Kaso ni Guo sa Tarlac, inilipat sa Valenzuela
MANILA, Philippines — Inilipat na sa Valenzuela City ang kasong graft laban kay dismissed Mayor Alice Guo mula sa Regional Trial Court (RTC) Branch 109 sa Capas, Tarlac.
Kinumpirma ng Clerk of Court sa Valenzuela na natanggap nila ang mga folder ng kaso ni Guo noong 8:10 ng Biyernes.
Sa huling pagdinig ng Senado kung saan humarap si Guo, sinabi ni Majority Leader Francis Tolentino na hindi dapat isampa sa Capas ang kasong graft laban sa na-dismiss na alkalde, alinsunod sa Republic Act (RA) 10660 o An Act Strengthening Further the Functional and Structural Organization ng Sandiganbayan.
“Sang-ayon po kasi sa Republic Act 10660, ang isang opisyal, lalo na ang mayor at salary grade 27 and above, hindi pwedeng sampahan ng kaso doon kong saan judicial region siya nag-o-opisina. So, ang Tarlac Region 3, hindi siya pwedeng sampahan doon dahil meron pa siyang impluwensya,” ani Tolentino.
Pinuri naman ni Tolentino si Tarlac court presiding judge Sarah Vedaña-delos Santos sa pag-amin sa pagkakamali na akuin ang hurisdiksyon sa kaso ni Guo - at higit sa lahat, ang paggawa ng mga hakbang upang maituwid ito.
Sinabi ni Tolentino na ang desisyon ni Judge Delos Santos ay hindi lamang nagpapatibay sa kanyang naunang paninindigan na ang Senado lamang ang may balidong warrant of arrest laban kay Guo - bagkus ay pumipigil din sa anumang ‘undue influence.’
- Latest