Walang special treatment kay Guo – DILG
MANILA, Philippines — Siniguro ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na walang special treatment kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Abalos na ginawa nila ang lahat para maibalik dito sa bansa si Guo mula sa Indonesia kung saan siya nagtago.
Paliwanag pa ni Abalos, tulad ng isang ordinaryong akusado, nakakulong na si Guo kung saan bawal gumamit ng cellphone, walang aircon at nag-mugshot na rin.
Si Guo ay nahaharap sa mga kasong human trafficking at money laundering.
Nagpaliwanag naman si Abalos sa mga kumakalat na larawan sa social media at sa video kung saan sinasabi ng dating alkalde na mayroon siyang death threat.
‘’No, ang nangyari niyan noong dumating siya sabi ko, parang kakilala daw niya ko so sabi ko teka muna saan kita nakilala... now I remember because as DILG mayroong governor, si Governor Yap nagpaorganize with meetings of all of the mayors of Tarlac. So they were there. Doon kami nag-uusap,’’ ayon sa kalihim.
Paliwanag pa ni Abalos ang larawan na kumakalat sa social media na kinokondena ng netizens ay para sa documentation lamang kasama si PNP Chief General Rommel Marbil kung saan nasa gitna nila si Guo na nakangiti at naka-peace sign.
Si Guo ay lumabas ng bansa noong Hulyo at naibalik dito sa Pilipinas bandang ala-1 ng madaling araw kahapon sakay ng isang pribadong eroplano sa NAIA.
- Latest