Alden, nabilisan sa trabaho nila ni Kathryn
Kamakailan ay natapos na ang shooting ng Hello, Love, Again sa Canada nina Kathryn Bernardo at Alden Richards. Halos isang buwang nawala ang aktor sa Pilipinas dahil dumiretso pa sa Amerika para sa Sparkle World Tour ng GMA Network. “It’s always been worth it. Of course, it’s tiring physically but the mere fact that you’re blessed with work and you’re able to do those things in a short period of time, nakakatuwa rin. At least na-cover ko siya. Nagawa natin siya kahit marami tayong ginagawa on the side. Naramdaman natin ‘yung pagmamahal ng global Pinoys,” nakangiting pahayag ni Alden sa 24 Oras.
Magkahalong emosyon umano ang naramdaman ng binata noong huling araw ng shooting nila sa Canada. Para kay Alden ay talagang napakabilis ng mga pangyayari sa kanilang naging trabaho.
Ayon pa sa aktor ay mas napalapit siya kay Kathryn at sa buong grupo ng naturang pelikula dahil sa ilang linggo nilang naging bonding sa Canada. Mas kaabang-abang pa raw lalo ngayon ang bawat eksena ng tambalang KathDen sa Hello, Love, Again. “When it comes to Joy and Ethan (karakter nina Kathryn at Alden) naman, without giving much spoiler, this is a more mature take on characters,” pagbabahagi ng binata.
Facial expression ni David, napapansin na
Gabi-gabing napapanood sa GMA ang Pulang Araw na pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Alden Richards, Sanya Lopez, David Licauco at Dennis Trillo.
Nakatatanggap ng papuri ngayon si David mula sa mga tagahanga dahil sa magaling nitong pagganap sa karakter ni Hiroshi Tanaka.
Kahit limitado ang mga linya ay kapansin-pansin umano ang kakaibang facial expression ni David sa mga eksena. “Nakakatuwa, nakakataba ng puso siyempre. Kumbaga finally ‘yung fruits of my labor ay nakikita na rin ng mga ibang tao with this teleserye. What I really learned was the technicalities of how can I deliver the emotions that I’m feeling. So nakakatuwa, parang mas nagpupursige ako, mas namo-motivate ako to work on my craft pa,” paglalahad ni David.
Samantala, kakaibang paghahanda naman ang ginagawa ni Dennis sa bahay bago pa pumunta sa taping ng serye.
Mayroon mga pinakikinggan ang Kapuso aktor na nakatutulong umano sa pagmememorya ng kanyang Japanese lines bilang si Lt. Col. Yuta Saitoh. “Mga classical music lalo na kapag nagma-memorize ako. May research kasi akong nabasa na nakakatulong siya lalo na kapag nag-aaral, kapag nagme-memorize,” maikling kwento ni Dennis. — Reports from JCC
- Latest