Barko pa ng Pinas, binangga ng CCG!
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na muling nagsagawa ng dangerous maneuver ang barko ng China Coast Guard nang banggain ang BRP Teresa Magbanua na nakadaong sa Escoda Shoal nitong Sabado.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, spokesperson for The West Philippine Sea, sinadya o intentional ang ginawang pagbangga ng CCG 5025 nang mag-maniobra na nagresulta sa direktang pagbangga sa unahang bahagi ng BRP Teresa Magbanua.
Binalewala aniya ng CCG ang collision regulation nang banggain ang MRRV 9701 o ang BRP Magbanua sa starboard quarter nito.
Gayunman, walang nasaktan sa sakay ng BRP Magbanua, habang bahagyang napinsala ang barko.
Pinaniniwalaang nagtamo rin ng pinsala ang bumanggang CCG 5205.
Ang nasabing insidente ay nakunan ng video na ipinrisinta ni Tarriela.
Sa kabila ng malinaw na kuha ng video sa insidente, nagpalabas na agad ng pahayag ang China Embassy sa Maynila na ang BRP Magbanua ng PCG ang bumangga sa isang barko ng CCG.
Ang dangerous maneuver na ito nitong Agosto 31 ay ika-limang pagkakataon na ginawa ng China sa mga barko ng Pilipinas.
- Latest