70K residente ng Batangas nakinabang sa BPSF, 4 pang programa ng gobyerno
MANILA, Philippines — Halos 70,000 residente ng lalawigan ng Batangas ang nakinabang sa serbisyo at cash assistance na dala ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) at apat pang programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang kumatawan kay Pangulong Marcos, ang pagbubukas ng BPSF sa Batangas kung saan P563 milyong halaga ng cash assistance at serbisyo ang dinala para sa may 60,000 benepisyaryo.
Dumalo rin sa event ang 143 miyembro ng Kamara at mga opisyal mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa probinsya at mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Romualdez, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagtungo ang BPSF sa CALABARZON region. Unang bumisita ang caravan sa Sta. Cruz, Laguna noong Nobyembre 2023.
Ang BPSF Batangas ang ika-22 sa serye ng serbisyo fair na layong magtungo sa lahat ng 82 lalawigan ng bansa upang ilapit ang “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”
Sinabi ni Romualdez na ang BPSF ay bahagi ng pagsasakatuparan ng pangako ni Pangulong Marcos na ilapit sa publiko ang serbisyong hatid ng gobyerno.
Sa dalawang araw na event, P563 milyong halaga ng mga programa ang inilaan sa buong probinsya, kabilang dito ang P265 milyong halaga ng cash assistance.
Pinangunahan ng DSWD at DOLE ang pay-out ng tulong pinansyal sa 34,000 residente ng Batangas.
Samantala, 9,000 Batangueño naman ang tumanggap ng bigas at cash assistance.
Katuwang ang Kamara, sinabi ni Romualdez na humahanap ang gobyerno ng paraan upang matulungan ang mga bulnerablengs sektor gaya ng mahihirap na senior citizens, persons with disabilities (PWDs), single parents, indigenous people, at mga katulad nito.
“Lahat ng ito ay katuparan ng pagnanais ni Pangulong Marcos na matulungan ang lahat ng nangangailangan ng tulong. Pero ang mga ito ay mayroong malaking magandang resulta dahil kapag nakabangon ang mga kababayan natin ay tutulong na sila sa paglago ng ating ekonomiya,” dagdag pa ni Romualdez.
- Latest