Hirit ni Romualdez: Reporma para mapalakas suporta sa atletang Pinoy
MANILA, Philippines — Kumikilos na ang Kamara para mapalakas ang sistema ng pagbibigay ng suporta sa mga atletang Pilipino.
Sa ibinigay na heroes welcome sa mga atletang lumahok sa 2024 Olympic Games sa Paris noong Miyerkules, sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nirerepaso na ang Republic Act (RA) No.10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act upang malaman ang mga kinakailangang pagbabago.
“We will conduct a review of our legislation, among others, Republic Act No. 10699, the National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. Kailangang amyendahan natin para maibibigay ang suporta at tulong po sa lahat ng mga atleta natin,” ayon kay Romualdez, pinuno ng Kamara na mayroong mahigit na 300 kinatawan.
“We will be meeting again further with our friend, [Chairman Richard] Dick Bachmann from the Philippine Sports Commission and of course with President Abraham ‘Bambol’ Tolentino of the Philippine Olympic Committee and of course the stakeholders on how we can improve the plight of our athletes,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Ang panawagan ng Speaker para sa reporma ay kasunod ng mahusay na performance ng Pilipinas sa Paris Olympics, kung saan nakuha ng mga Pilipino ang pansin ng buong mundo sa pamamagitan ng pag-uwi ng mga medalya na nagpakita ng lumalaking kakayahan ng bansa.
Ang mga atleta, partikular si Carlos Yulo, ay tinagurian bilang mga bagong bayani ni Romualdez, na kumakatawan sa pagpupursige at kahusayan na naglarawan sa patuloy na pagsulong ng bansa sa Olympics sa nakalipas na siglo.
- Latest