Kapabayaan sa regulasyon sa shipping industry, tatalupan sa Senado
MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang kanyang pagkadismaya sa kaluwagan at kapabayaan ng mga kinauukulan sa regulasyon ng gobyerno sa industriya ng shipping kaya humahantong ito sa napakalawak na oil spill, tulad ng nangyari sa MT Terranova noong Hulyo 25.
Sa pagdinig ng committee on environment, natural resources and climate change noong Miyerkules, sinabi ni Tolentino na kung mahigpit ang regulasyon at mahusay ang protocol ay maaaring napigil ang oil spill, gayundin ang paglubog ng dalawa pang sasakyang-pandagat na may mga kuwestiyonableng dokumento sa pagpaparehistro.
Inihain ni Tolentino ang Senate Resolution No. 1084 na naglalayong imbestigahan ang sakuna at alamin ang mga epekto nito sa marine ecosystem at biodiversity, gayundin sa kabuhayan ng 42,000 mangingisda sa Bataan, Cavite, Metro Manila, at mga karatig lalawigan.
Nauna rito, nanawagan si Tolentino sa gobyerno na magbigay ng tulong at alternatibong kabuhayan sa mga mangingisda mula Bataan, Cavite, Metro Manila, at iba pang coastal community na nasalanta ng oil spill mula sa lumubog na tanker sa karagatan ng Limay, Bataan.
Kamakailan ay nagpaabot ng tulong ang tanggapan ni Tolentino sa daan-daang mangingisda sa lalawigan ng Cavite na nawalan ng kabuhayan dahil sa malawakang oil spill mula sa MT Terranova.
- Latest