NTF-ELCAC wagi vs ‘harassment’ case
MANILA, Philippines — Malaking tagumpay sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pagbasura ng Court of Appeals (CA) sa petisyon para sa writ of amparo at habeas data na isinampa nina Jonila Castro at Jhed Tamano, na nauugnay sa komunistang organisasyon na nagkukunwaring mga environmental community organizers.
Sa press conference sa Camp Crame, binigyang-diin ni Assistant Director General Jonathan Malaya na ang tagumpay na ito ay patunay ng katotohanan at hustisya, bilang sagot sa kampanya ng paninirang-puri at propaganda laban sa NTF-ELCAC ng komunistang grupong terorista.
“Ang desisyon ng Court of Appeals ay malinaw na paglilinis ng pangalan para sa NTF-ELCAC bilang isang organisasyon at para sa akin mismo, dahil ako ay pinangalanang respondent sa isang malinaw na walang basehang kaso ng panggigipit,” ani Malaya.
Tinanggihan ng Korte ang mga petisyon dahil sa kawalan ng “substantial evidence.”
Ayon sa 55-pahinang desisyon, na may petsang Agosto 2, 2024, nabigo ang mga petisyoner na patunayan ang pagkakaroon ng isang nagbabantang o patuloy na panganib sa kanilang mga karapatan sa buhay, kalayaan, o seguridad, na kinakailangan upang maglabas ng writ of amparo.
Pinasalamatan din ni Undersecretary Ernesto Torres Jr., Executive Director ng NTF-ELCAC National Secretariat ang Legal Cooperation Cluster, na pinamumunuan ng Office of the Solicitor General, para sa pagtiyak ng tagumpay na ito laban sa mga ahente ng teroristang CPP-NPA-NDF.
Aniya, ito ay isang tagumpay para sa sambayanang Pilipino laban sa lokal na terorismo sa bansa.
- Latest