SP Chiz naungusan si VP Sara, iba pang opisyal sa SWS survey
MANILA, Philippines — Lumitaw sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na si Senate President Francis “Chiz” Escudero na ngayon ang may pinakamataas na net satisfaction rating sa hanay ng matataas na opisyal ng bansa at kanyang naunahan dito si Vice President Sara Duterte.
Base sa SWS survey na sinalihan ng 1,500 adult respondents at isinagawa mula Hunyo 23 hanggang Hulyo 1, 2024, si Escudero ay may net satisfaction rating na +47.
Nakita sa survey na boto (satisfied) ang 64% ng respondents sa pagsisilbi ni Escudero bilang Senate President habang 17% ang hindi boto (dissatisfied) na nagresulta sa kanyang “Good” rating na +47. Ito ang unang pagkakataon na na-survey si Escudero sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng Senado.
Nakakuha naman si Vice President Duterte ng net satisfaction rating na +44 kung saan 65% ng respondents ang boto sa kanya at 21% ang hindi boto. Nasa 19% ang ibinaba niya mula sa kanyang “Very Good” rating na +63 noong Marso 2024.
Si House Speaker Martin Romualdez ay may net satisfaction rating na +29, tumaas nang 16 puntos mula sa +13 noong Marso. Nasa 53% ng respondents ang boto sa kanyang paglilingkod habang 24% ang hindi boto.
Nakatanggap si Chief Justice Alexander Gesmundo ng net satisfaction rating na +32 kung saan 51% ang boto sa kanya at 20% ang hindi boto. Tumaas siya nang 19% mula sa +13 noong Marso.
Ang resulta ay naglalarawan sa totoong pulso ng publiko pagdating sa pagtratrabaho ng matataas na pinuno ng bansa at si Escudero ang pinakanangunguna rito.
- Latest