Maritime activity ng Philippine Navy, Japan binuntutan ng 2 barko ng China sa West Philippine Sea
MANILA, Philippines — Binuntutan ng dalawang barko ng People’s Liberation Army Navy ng People’s Republic of China ang isinasagawang bilateral Maritime Cooperative Activity (MCA) sa pagitan ng Philippine Navy (PN) at Japan Maritime Self-Defence Force (JMSDF) sa West Philippine Sea nitong Biyernes.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), tinukoy ang dalawang barko ng China na Jiangdao-Class corvette na may bow number 624 at Jingkai Class frigate 574.
Ang Chinese warships ay nasa distansiyang 4 nautical miles at 4.9 nautical miles mula sa multi-role guided missile frigate BRP Jose Rizal (FF-150) at Takanami class destroyer IS Sazanami (DD 113).
Sa kabila nito ay hindi naman nanghimasok o nakialam ang Chinese vessels sa isinasagawang magkasamang paglalayag ng PN at JMSDF.
“The presence of the PLA-N vessels was closely monitored, and the exercise proceeded as planned, achieving its objectives of improving tactical capabilities and strengthening cooperation between the JMSDF and the PN,” ayon sa AFP.
Nitong Agosto 2 isinagawa ang kauna-unahang bilateral MCA ng AFP at JMSDF sa gitna na rin ng matinding tensiyon sa pinagtatalunang teritoryo.
Nagsagawa naman ang BRP Jose Rizal (FF 150) at JS Sazanami ng communications exercise (Commex), tactical maneuvering at photographic exercise.
Noong nakaraang Abril ay nagsagawa rin ang mga navies ng Pilipinas, US, Australia na nilahukan rin ng JMSDF na sama-samang paglalayag sa WPS.
- Latest