Malasakit Team naghahanda na sa relief distribution sa nasalanta ng bagyo
MANILA, Philippines — Habang tumitindi ang tag-ulan matapos ang pananalasa ng Bagyong Carina at ng habagat, nananawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa mas mahigpit na pagbabantay at paghahanda ng mga Pilipino, lalo sa mga lugar na madalas bahain at sensitibo sa kalamidad.
“Mga kababayan ko, sana ay nasa ligtas kayong lugar ngayon matapos ang paghagupit ng habagat na pinalakas pa ng bagyong ‘Carina’ habang papalabas ito ng bansa. May mga lugar sa Metro Manila na matagal na ring hindi nakararanas ng pagbaha pero bigla na namang nasalanta. Kaya paalala po natin sa ating mga kababayan, manatiling alerto at laging mag-ingat,” ani Go.
Ang Malasakit Team ni Go ay naghahanda para sa relief distributions at feeding programs na isasagawa sa mga susunod na araw upang tulungan ang mga apektadong komunidad.
“Magbayanihan at magmalasakit tayo sa kapwa upang malampasan ang panibagong pagsubok na ito. Anumang tulong, malaki man o maliit, ay ibigay po natin sa ating mga kababayang nangangailangan,” dagdag niya.
Sa gitna ng mga hamon na dulot ng panahon ng bagyo at tag-ulan, binibigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapatibay ng mga mekanismo ng paghahanda at pagtugon sa komunidad.
“Sa bawat bagyong dumaraan, napatunayan nating mahalaga ang bawat hakbang ng maagang paghahanda. Kailangang magtulungan tayo upang maprotektahan ang bawat isa, lalo na ang ating mahihirap na kababayan na pinakaapektado tuwing may kalamidad,” anang senador.
Sa Senado, patuloy na isinusulong ni Go ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa pamamagitan ng Senate Bill No. 188, na kanyang inihain. Layon ng panukala na pahusayin ang kakayahan ng bansa sa pagpigil sa panganib ng kalamidad, paghahanda at pagtugon sa emergency, at mabilis na pagbangon pagkatapos ng mga sakuna.
- Latest