Tulong ni Pangulong Marcos sa magsasaka, mangingisdang magpapababa ng presyo ng pagkain – Romualdez
MANILA, Philippines — Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay ng direktang tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Sumama ang lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, kay Pangulong Marcos sa pamimigay ng tulong pinansyal sa may 10,000 benepisyaryo sa ilalim ng kanyang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) program.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa benepisyaryong residente ng Palawan at kalapit na lalawigan ng Marinduque sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan.
“Kayo po ang ating mga magsasaka at mangingisda ang nagpapakain at bumubuhay sa buong bansa. Obligasyon ng ating gobyerno na tiyaking busog din lagi ang inyong mga pamilya at may maliwanag na kinabukasan para sa inyong mga anak,” pahayag ni Romualdez sa mga benepisyaryo.
“Sa pagbibigay ng suporta sa inyo, mapapalakas natin ang produksyon ng pagkain at masisiguro na abot-kaya ang presyo ng mga ito para sa ating mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.
Tiniyak ni Romualdez kay Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng Kamara sa kanyang mga makabagong programa upang magpatuloy ang pagtulong sa mga nangangailangang Pilipino.
Kumpiyansa rin si Romualdez na ang mga ipinatutupad na programa ay makatutulong sa pagtaas ng produksyon ng mga magsasaka at mangingisda na magdudulot din ng pagbaba sa mga produktong inaangkat ng bansa.
- Latest