‘Bayanihan’ ipaglalaban West Philippine Sea, edukasyon
MANILA, Philippines — Kasabay ng paggunita sa ika-132 anibersaryo ng pagkakatatag ng Katipunan, nagtipun-tipon naman ang nasa 132 youth leaders at 132 local political organizers na kabilang sa “Bayanihan Para sa Karangalan at Kaunlaran ng mga Pilipino” o “Bayanihan” sa Rizal Shrine sa Luneta upang ipakita ang kanilang puwersa sa paghahayag ng kanilang mga saloobin sa iba’t ibang isyu sa bansa.
Ayon kay Bayanihan Chairman Elmer Argaño, lalahok sa mga usapin sa malalaking isyu ang mga kabataan na mula sa 18 rehiyon at 96 distrito ng Mega Manila na kasapi ng ‘Bayanihan’ para matiyak na makikinabang ang mas nakararaming Pilipino.
Ani Argaño, ngayon dagsa ang usapin at problemang kinakaharap ng Pilipinas, panahon nang isabuhay si Gat Jose Rizal, Katipunan at ang Bayanihan.
Kabilang sa mga isyu na tututukan ng organisasyon ay ang West Philippines Sea, sistema ng edukasyon, kalusugan, kakulangan sa trabaho at patuloy na kahirapan.
Para naman kay Bayanihan President Jervy Maglunob, maglalabas din sila ng kanilang mga hinaing at isyu sa nalalapit na 2025 mid-term elections, climate change, K to 12 educational system, WPS at health care system.
Aniya, mahalagang may partipasyon ang bawat kabataan sa mga isyu sa bansa na maipapasa nila sa mga susunod na henerasyon.
- Latest