Tulong sa seniors pinasalamatan sa Kamara
MANILA, Philippines — Taos-pusong pinasalamatan ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong’ Ordanes si House Speaker Martin Romualdez sa patuloy na pagmamalasakit sa mga nakakatandang populasyon ng bansa, gayundin sa mga Filipino na may kapansanan.
Kasabay nito, ikinalugod ni Ordanes ang resulta ng PUBLiCUS Asia Inc.’s PAHAYAG Second Quarter (PQ2-2024) survey kung saan lumabas na siyam sa bawat 10 Filipino ang pabor sa pagbibigay ng universal pension sa senior citizens sa bansa.
Si Ordanes ang isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang-batas, na naipadala na sa Senado upang maging ganap ng batas.
Paliwanag ng mambabatas, layon ng panukala na magkaroon ng buwanang pensyon ang lahat ng Filipino na nasa edad 60 pataas anuman ang estado ng kanilang buhay.
“Nagpapasalamat ako kay Speaker Romualdez at sa mga kapwa ko mambabatas na patuloy na isinusulong ang kapakanan ng ating mga mahal na senior citizens. Ito naman ay munting pagkilala lang natin sa kanilang kahalagahan sa ating lipunan,” sabi pa ni Ordanes.
Umaasa naman si Ordanes na makakalusot sa Senado ang nasabing panukala bago matapos ang taon upang maging batas pagpasok ng 2025.
Hiling din ni Ordanes na maipasa na sa Senado ang panukalang early voting para sa senior citizens at PWDs, maging ang House Bill 8461 na ang layon naman na mapalakas ang national health program para sa senior citizens.
- Latest