Binay inireklamo na sa Ethics si Cayetano
MANILA, Philippines — Pormal nang naghain ng reklamo si Sen. Nancy Binay laban kay Sen. Alan Peter Cayetano nitong Lunes sa Senate Committee on Ethics and Privilege.
Partikular na inireklamo ni Binay ang pagtawag sa kanya ni Cayetano ng ‘marites’, isang popular na tawag ng mga Filipino sa mga tsismosa.
Binanggit din ni Binay ang akusasyon sa kanya ni Cayetano na nanggugulo sa pagdinig ng Senate committee on accounts tungkol sa mga isyu na may kinalaman sa New Senate Building.
Inilagay din ni Binay sa kanyang reklamo ang pagtawag sa kanya ni Cayetano ng “buang.”
“Paulit-ulit na tayo kanina pa na P21.7 billion. Nabuang ka na ‘day,” sinabi ni Cayetano kay Binay sa pagdinig.
Sinabi ni Binay na maliwanag sa Senate Rules na ituturing na “unparliamentary” ang paggamit ng mga nakakasakit na mga pananalita laban sa kapwa senador o anumang public institution.
Nilabag umano ni Cayetano ang Section 93 at 94 ng Rule 34 na nagbabawal sa paggamit ng unparliamentary act at languages sa pamamagitan ng kanyang mga statements sa public hearing noong Hulyo 3, 2024 at Republic Act No. 9710 o Magna Carta of Women.
Nauna rito, sinimulan ni Cayetano ang pag-iimbestiga sa New Senate Building matapos ipag-utos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pagrepaso sa halaga ng konstruksyon nito, na sinasabing aabot sa mahigit na P23 bilyon.
Sa panayam, sinabi ni Binay na hindi na niya papalampasin ang mga banat sa kanya ni Cayetano.
“Hindi lang ito tungkol sa akin. Nanay ako. May mga anak ako at alam ko ang mga pinagdaanan ng mga bata noong tinitira niya ‘yung pamilya ko noong 2015 and parang during this time, I cannot let it pass anymore,” ani Binay.
- Latest