4.4 milyong 4Ps pwedeng mag-miyembro ng SSS
MANILA, Philippines — Maaari nang maging miyembro ng Social Security System (SSS) ang may 4.4 milyong benepisyaryo ng 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay makaraang lumagda sa isang memorandum of agreement si DSWD Secretary Rex Gatchalian at SSS President Rolando Ledesma Macasaet sa isang simpleng seremonya sa DSWD-Batasan, Quezon City.
Niliwanag ni Gatchalian na boluntaryo lamang o yaong mga 4Ps lamang na gusto na maging SSS members ang papasakop sa programa dahil ito ay hindi sapilitan.
Umaabot sa P570 kada buwan ang pinaka mababang monthly contribution ng isang SSS member.
Ayon kay Macasaet, gagawa ang SSS ng paraan na magkaroon ng unique contribution ang 4Ps o gawing mas mababa o P300 lamang ang kada buwang monthy contribution ng bawat 4Ps at ang kakulangang halaga ay maaari nilang hingin sa mga kongresista at private sector hanggang sa maka-graduate sa 4Ps.
Inamin ni Gatchalian na maaari silang mahirapan na himukin ang mga 4Ps na magpa-miyembro sa SSS pero ipapaliwanag anya ng husto ng DSWD sa mga ito ang kahalagahan at benepisyo ng programa.
Kinokonsedera nilang ipadaan sa e-wallet tulad ng GCash at Paymaya ang pagbabayad ng buwanang kontribusyon.
Anya, kung ang P570 kada buwan ang kontribusyon na kukunin ng isang 4Ps, makaraan ng 10 taon ay maaari itong makakuha ng mula P2,000 hanggang P3,000 pension.
- Latest