‘Panlilinlang’ ng CPP-NPA-NDF kinastigo ng BFCC
MANILA, Philippines — Kinastigo ng pamunuan at mga miyembro ng Bukidnon Fellowship of Congregational Churches (BFCC) ang anila’y panlilinlang, pang-iimpluwensiya at pagpasok sa kanilang mga simbahan ng mga komunistang grupo sa lalawigan.
Kahapon ay nagsagawa ng programa ang libong kasapi ng BFCC sa Valencia City Gym sa Bukidnon at ipinakita ang kanilang pagkakaisa at hindi natitinag na pananampalataya gayundin ang pangako sa paglilingkod sa mga komunidad.
Noong Pebrero sa Bukidnon, pinaalis ng ilang pinuno ng simbahan ang mga nagsisimba sa UCCP Liloan, Valencia at nilagyan ng padlock ang mga pintuan ng simbahan sa UCCP Kawayan, San Fernando, kaya napilitan ang mga miyembro ng kongregasyon sa dalawang simbahan na sumamba sa ibang lugar.
Ani Rev. Jenifer Centillas Castillano, Administrative Pastor ng UCCP Valencia City, Bukidnon sa isang kalatas, ang pangyayari ay nagpahiwatig ng isang mas malaki, mas mapanlinlang na impluwensya na pumapasok sa kanilang simbahan.
“Tinatanggihan namin ang anumang ideolohiya ng CPP-NPA-NDF na naglalayong pahinain ang aming pananampalataya at guluhin ang aming samahan,” ani Rev. Castillano.
Nananawagan si Rev. Castillano sa lahat ng miyembro ng UCCP na makiisa sa panalangin at pagkilos upang mabawi ang kanilang mga simbahan mula sa pagkakahawak ng mga impluwensya ng paghahati-hati.
- Latest