‘Magic 12’ sa 2Q survey ng Pulso ng Pilipino, inilaylay
MANILA, Philippines — Sa non-commissioned survey na isinagawa mula Hunyo 10 hanggang 17 sa lahat ng rehiyon, inilaylay ng The Issues and Advocacy Center (The Center) ang pinakabagong “Magic 12 runners” para sa 2025 senatorial race.
Ang mga resulta ay nagpakita na si Erwin T. Tulfo (64%) ang nangunguna sa grupo, na sinundan ni Vicente “Tito” C. Sotto III (52%) at dating Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte (50%), na pumangatlo at pinakapinaboran sa mga potensyal na mga kandidato sa 2025 midterm elections.
Pumang-apat si Christopher Lawrence “Bong” Go (49%) kasama si Emmanuel “Manny” Pacquiao (49%) bilang ikalima sa listahan. Si Francisco “Isko Moreno” Domagoso (48% ) sa ikaanim na puwesto habang si Maria Imelda “Imee” Marcos (42%) ay sumunod sa TV personality.
Si Francis “Tol” Tolentino (41%) ay nakapasok sa ika-8 puwesto, habang si Pilar Juliana “Pia” Cayetano (41%) sa ika-9 na puwesto, si Doc Willie Ong (40%) ay nasungkit ang ika-10 puwesto, Ronaldo “Bato” dela Rosa (40%) sa pang-11 at Camille Lydia Villar (38%) ang nakabuntot sa ika-12 puwesto.
Ang survey ngayong Hunyo 2024 ay naglabas ng mga bagong pangalan sa Magic 12 senatorial runners, kabilang sina dating Pangulong Duterte at Camille Lydia Villar.
Sa survey ng parehong grupo na isinagawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 4, 2023, sina Panfilo “Ping” Lacson, Bong Revilla Jr., at Lito Lapid ay kabilang pa sa Magic 12 pero natanggal sa bagong survey.
Ang survey ay gumamit ng standard multi-stage, area probability sampling (MSAP) na may 1,200 respondents mula sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas at Mindanao.
- Latest