Alice Guo pinatalsik sa NPC
MANILA, Philippines — Tinanggal na ng Nationalist People’s Coalition (NPC) bilang kanilang miyembro si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo bunsod ng pagkakasangkot sa operasyon ng illegal Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub sa nasabing bayan.
Ang pagkakasibak ni Guo sa roster ng NPC ay nakasaad sa sulat na nilagdaan ni NPC chairman at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tugon naman sa rekomendasyon at petisyon ni Tarlac Gov. Susan Yap.
Sa sulat ni Sotto, sinabi nito na hindi nila kinukunsinte ang anumang maling gawain ng kanilang miyembro na maaring makaapekto sa partido.
Matapos ang konsultasyon sa mga lider at miyembro ng partido, napagdesisyunan umano na tanggalin si Guo dahil na rin umano sa bigat ng kasong isinampa at imbestigasyon na isinasagawa laban dito.
Inatasan ni Sotto si NPC Secretary General, Sec. Mark Landro Mendoza na impormahan si Guo sa desisyon ng partido.
Matatandaang sinuspinde ng Ombudsman si Guo bunsod ng mga administrative complaints laban sa kanya dahil sa kasong graft.
Kinasuhan na rin si Guo ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Justice ng qualified human trafficking kaugnay ng illegal na pagtatrabaho ng nasa 500 dayuhan bilang POGO workers.
- Latest