Paglaganap ng pekeng birth certificate tatalupan sa Senado
MANILA, Philippines — Ihinain na ni Senador Win Gatchalian ang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang paglaganap ng mga pekeng birth certificate na sinasabing nagagamit ng mga dayuhan upang makaiwas sa mga batas ng immigration, at gumawa ng krimen.
“Maaaring mga sindikato ang nasa likod ng paglaganap ng mga pekeng birth certificate gayundin ang maliwanag na pag-abuso sa late birth registration system,” sabi ni Gatchalian, na naghain ng Senate Resolution 1053.
Ang resolusyon ni Gatchalian ay kasunod ng pagkakadiskubre sa mga inconsistency sa birth certificate ni Bamban Mayor Alice Guo, lalo na ang kawalan ng mga talaan ng gobyerno na nagpapatunay sa pagkakaroon ng isang Amelia Leal, ang pinangalanang ina sa birth certificate ni Guo.
Sa pagsisiyasat ng Senado, lumabas na walang birth o marriage certificate si Amelia Leal.
Iniuugnay si Guo sa mga operasyon ng isang POGO hub sa Bamban, na kamakailan ay ni-raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa mga kaso ng human trafficking at serious illegal detention.
Sa deliberasyon ng Senado noon para sa 2024 budget ng Philippine Statistics Authority (PSA), ibinunyag ng ahensya na hindi bababa sa 308 pekeng birth certificates ang ginamit para sa aplikasyon ng Philippine passports mula Enero hanggang Setyembre noong nakaraang taon.
- Latest