Sa bigong operasyon kay Quiboloy, hepe ng PNP-Davao Region, sibak!
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang hepe ng Police Regional Office (PRO) 11 o Davao Region bunsod umano ng bigong operasyon sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Batay sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, tanggal sa puwesto bilang PRO 11 Director si Police Brig. General Aligre Martinez at papalitan ni Brig. Gen. Nicolas Torre III na galing sa PNP Communications and Electronics Service.
Sa panibagong balasahan sa PNP, inalis din sa pwesto si Police Major General Ronald Lee bilang hepe ng Directorate for Operations at ipinalit sa kanya si Police Brig. General Nicolas Salvador na mula naman sa Directorate for Plans.
Sina Martinez at Lee ay kapwa inilipat sa Police Holding and Accounit ng Unit (PHAU).
Ang nasabing reshuffle ay bunsod umano ng kabiguang maaresto si Quiboloy na nahaharap sa kasong child at sexual abuse at human trafficking kasama ang limang iba pa.
Samantala, tatlong iba pang mataas na opisyal ang binalasa na kinabibilangan nina Police Brig Gen. John Chua na mula sa Area Police Commander-Visayas at inilipat sa National Police Training Institute (NPTI), Police Brig General Lex Ephraim Gubat, mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at italagang bagong hepe ng Directorate for Plans at Police Col Edwin Portento na inalis sa Intelligence Group at ilagay din sa PHAU-DPRM.
Lumilitaw na limang lugar na pagmamay-ari ni Quiboloy kabilang ang KOJC compound sa Barangay Buhangin, Davao City, Prayer Mountain sa Tamayong, Glory Mountain sa Purok 6, QSands Baptismal Resort sa Samal, at ang Kitbog Compound sa Malungon, Sarangani ang tinungo ng mga awtoridad subalit hindi nakita ang pastor.
- Latest