Approval ng China ‘di kailangan sa Ayungin Shoal - Philippine Navy
MANILA, Philippines — Hindi kailangang magpaalam ang Pilipinas sa China sa access sa Ayungin Shoal dahil nasasaklaw ito ng 200-mile Exclusive Economic Zone ng bansa.
Ito ang binigyang diin kahapon ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Trinidad, bilang reaksyon sa sinabi ng Chinese Foreign Ministry na dapat mag-abiso muna sa Beijing ang mga sundalong Pinoy sa resupply mission bago pumasok sa Ayungin Shoal.
Nasa Ayungin ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing istasyon o kanlungan ng mga sundalong Pinoy na nagbabantay sa WPS.
Sinabi ni Trinidad na hindi katanggap-tanggap ang sinabi ng Chinese Foreign Ministry at hindi nila ito kikilalanin at susundin dahil ang China ang trespasser sa teritoryo ng Pilipinas.
“In the first place they should not be in our Exclusive Economic Zone (EEZ), they have no right to demand, they have no right to set conditions. In the first place they should not be in our EEZ,” giit ni Trinidad.
“Dapat wala sila dun in the first place tapos sila pa ang magsasabi na magpaalam muna, we wont comply kasi we won’t even recognize it,” punto pa ng opisyal.
Nagbabala rin si Trinidad sa publiko na manatiling vigilante laban sa umano’y penetrasyon ng China sa panloob na ugnayan sa isyu ng ekonomiya at pulitika ng Pilipinas.
“Ang mas mahalaga na maintindihan at maging aware, maging conscious ang ating mga kababayan ay ‘yung mga nangyayari all over the country. Bagamat hindi ko sinasabi na threat na ito to our nation, but it’s too good to be coincidental,” sabi pa ng opisyal.
- Latest