Ex-PDEA agent Morales na-contempt, kulong sa Senado
MANILA, Philippines — Kulong sa Senado ang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Jonathan Morales matapos ma-contempt dahil sa paulit-ulit na pagsisinungaling sa harap ng Senate committee on public order and dangerous drugs tungkol sa kanyang personal data sheet (PDS) noong nag-a-apply siya sa anti-drug agency.
Si Morales ang nag-claim na pumirma sa umano’y nag-leak na PDEA pre-operation report noong 2012 na nag-uugnay ngayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada na dapat i-contempt si Morales dahil sa umano’y “misrepresentasyon” sa sarili sa kanyang PDS na isinumite sa PDEA sa pamamagitan ng pagpahiwatig na hindi siya tinanggal sa Philippine National Police roll at hindi na-dismiss o nasuspinde sa serbisyo.
Dahil walang tumutol sa mosyon ni Estrada na i-contempt si Morales inaprubahan ito ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Dinala si Morales sa Senate detention cell.
Sa panayam matapos ang pagdinig, sinabi ni Estrada na pinagbigyan niya si Morales na magsabi ng totoo.
“Pinagbibigyan ko na siya na magsabi lang sa totoo. Pero, panay kasinungalingan napanood nyo na di ba na? You’re observing the hearings. Wala na akong magagawa. From the very start, ang bait-bait kong magtanong,” ani Estrada.
Naniniwala rin ang senador na dapat tapusin na ang pagdinig dahil isang “polluted source” si Morales at wala silang makukuhang tamang kasagutan.
- Latest