109 biktima ng armed conflict nakinabang sa pabahay ng NHA
MANILA, Philippines — Pinagkalooban ng National Housing Authority (NHA) ng Pabahay ang may 109 na biktima ng armed conflict sa pagitan ng government forces at Moro National Liberation Front (MNLF) Misuari sa Zamboanga City.
Ayon kay NHA general manager Joeben Tai, ang mga benepisyaryo ng programa ay pinagkalooban ng pabahay sa Ayer Village Subdivision Phase III sa Brgy. Sta. Barbara, Zamboanga City. Ang komunidad ng pabahay ay may dalawang palapag na bahay na may kusina, banyo, kuwarto at labahan.
Bago ang paggawad ng pabahay, nagsagawa muna ng inspeksiyon si GM Tai upang matiyak ang kalidad ng nasabing proyekto.
Sa ilalim ng mandato ng NHA sa Calamity Housing Program, ang mga nasalanta ng kalamidad at armed conflict ay may karapatang magkaloob ng ligtas, matibay at komportableng bahay.
Bukod dito, mayroon ding programang pangkabuhayan, oportunidad sa trabaho at skills-enhancement sessions ang NHA sa mga benepisyaryo upang matiyak ang pag-unlad ng komunidad.
Samantala, tumanggap naman ang mga biktima ng kalamidad ng tulong pinansiyal mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA.
Una rito, namahagi rin ang NHA ng tig-P10,000 ayuda sa 438 pamilyang nasunugan sa Muntinlupa City.
Nagtayo rin ng information booth ang NHA upang isulong ang mga programa ng ahensiya na bilang suporta ito sa pagdiriwang ng Health Workers’ Day sa Department of Health (DOH) Main Office sa Maynila.
- Latest