Chinese nationals na sangkot sa wiretapping, pang-eespiya palayasin sa Pinas - solon
MANILA, Philippines — Dapat patalsikin na ng pamahalaan ang libong Chinese nationals na kaduda-dudang nagdagsaan sa bansa malapit sa mga EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sites kapag napatunayan ang mga itong sangkot sa wiretapping at pag-eespiya.
Ito ang inihayag ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., na hinikayat ang kinauukulang komite ng Kamara na simulan na ang imbestigasyon “in aid of legislation” sa presensya ng Chinese nationals kabilang na ang mga estudyante na nag-enrol sa mga kolehiyo at unibersidad sa Cagayan upang mabatid ang katotohanan.
Ayon kay Abante, sa Chinese government na mismo nagmula ang pag-amin na may kapasidad itong magsagawa ng wiretapping sa bansa. Ilang solon naman ang naghihinalang nag-eespiya ang China sa bansa.
“The Philippines has always opened its arms to foreign guests. But if our guests violate our laws, then they should be kicked out immediately and barred from coming back,” anang solon.
Sa lalawigan ng Cagayan ay dalawa ang EDCA sites na kinabibilangan ng Naval Base Camilo Osias sa bayan ng Sta. Ana at Lal-lo Airport.
Nagbigay na umano ng “green light” si Speaker Martin Romualdez para sa imbestigasyon.
- Latest