Implementasyon ng Nutrition Care Process, isinusulong ng mga eksperto
MANILA, Philippines — Isinusulong ng mga eksperto sa kalusugan mula sa pampubliko at pribadong sektor ang mas mahusay na implementasyon ng Nutrition Care Process (NCP).
Ang NCP ay ang pinakapamantayan ng registered nutritionist-dietitians (RNDs) at mga dalubhasa pagdating sa pangangalaga sa kalusugan para mas masuri at mas magamot ang mga pasyente.
Sa isang talakayan na hatid ng international think tank Stratbase Institute at Universal Health Care (UHC) Watch na ginanap sa Asian Institute of Management Conference Center sa Makati City kamakailan, binigyang-diin ng mga eksperto ang importanteng papel ng nutritional care sa pagpapabilis ng paggaling at pag-uwi ng isang pasyente mula sa ospital.
“Napatunayan nang epektibo ang NCP sa paggamot ng iba’t ibang kondisyon sa medisina,” ayon kay Dr. Aguedo Gepte IV, isang nutrition consultant at awtor ng isang policy paper na kinomisyon ng Stratbase para alamin ang impementasyon ng NCP sa bansa.
Taong 2019, naglabas ang Department of Health (DOH) ng isang kautusan na laman ang protocols ukol sa NCP kung saan nakasaad dito na dapat sumailalim ang pasyente sa nutrition screening ng registered nurse at dapat naman itong isangguni sa RND kung may pangangailangan para sa medical nutrition therapy.
Giit ni Dr. Jose Rodolfo Dimaano Jr., co-lead ng Abbott Center for Malnutrition Solutions, ang nutrisyon ay isang batayang karapatang pantao at mahalagang parte ito sa pagtugon sa malnutrisyon, lalo na sa mga nakatatanda. Sinang-ayunan ito ni Jorge Banal Sr., pangulo ng Federation of Senior Citizens Association of the Philippines-National Capital Region.
Nais baguhin ni Dr. Gabrielle Ann Dela Paz-Tolang, hepe ng Policy, Planning, and Program Development Division sa DOH Health Facility Development Bureau, ang paniniwalang malaki ang gastusin sa pangangalaga sa nutrisyon.
- Latest