Bell-Kenz pharma execs humarap sa Senado
Pinanindigan na sumusunod sa batas
MANILA, Philippines — Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate Committee on Health ang mga executives ng Bell-Kenz pharmaceutical at nanindigan na isa silang “law-abiding pharmaceutical entity” na sumusunod sa regulasyong ng gobyerno.
Inaakusahan ang nasabing kompanya na gumagamit ng multi-level marketing scheme at nagbibigay ng mga regalo at malaking komisyon sa mga doktor na nagpi-prescribe ng kanilang gamot
Sa pagdinig, sinabi ni Luis Go, kinatawan ng Bell-Kenz na ang kanilang kompanya ay itinayo noong 2006 at misyon nila na magbigay ng “high quality” pero murang gamot sa mga mamamayan.
Sinabi ni Go na nauunawaan nila ang “impact” ng mga napakamahal na gamot sa mga mamamayan.
Ayon pa kay Go, sinusunod nila ang lahat ng regulasyon ng Food and Drug Administration, Philippime Medical Association at lahat ng government bodies.
“We operate in a pharmaceutical marketing method and ensure we do it in transparency, ethical integrity with our practices upholding the highest standards of corporate conduct,” ani Go.
Ibinigay na halimbawa ni Go ang murang maintenance medicine para sa diabetes at coronary disease na aabot lamang sa P128 kada araw at makakatipid ang pasyente ng nasa P2,305 hanggang P4,600 kada buwan.
“For hypertension. For patients with hypertension, diabetes and coronary disease, a maintenance drug by Bell-Kenz will cost P128 per day savings per day with a savings of as much as P2,305 to P4,600 per month. Or an equivalent of P27,000 to P55,000 a year . that is around P55,000 a year. Or P27,000 depending on the brand,” ani Go.
Ayon naman kay Sen. Raffy Tulfo, wala siyang problema sa negosyo ng kompanya na kumpleto ang permit pero dapat masagot kung sangkot ito sa MLM at kung nagbibigay ng komisyon.
“Wala akong problema sa inyong negosyo per se. Legit po negosyo ninyo. Meron kayong SEC reg, BIR, FDA, approved mga drugs nyo. Wala tayong problema dyan sir ang tanong ko : would you admit or deny na may mga doctor na pasok sa MLM ninyo? May nakakatanggap ng commission? Yes or no?,” tanong ni Tulfo.
Bagaman at noong una ay itinanggi ni Go na magbibigay sila ng komisyon, kalaunan ay inamin niya ito sa pagtatanong ni Senator Jinggoy Estrada.
“We are giving incentives and shall I say support to our doctors who are for them to include us as a brand for their generic prescriptions…We give them continuing medical educations locally and abroad. And sometimes we also provide them with a clinic equipment,” ani Go.
Kabilang aniya sa ibinibigay na incentives ang biyahe sa ibang bansa.
- Latest