Wala pang heat wave sa Pinas – PAGASA
Kahit matindi ang init
MANILA, Philippines — Wala pang Heat Wave sa bansa kahit patuloy na nararanasan ang mainit na panahon sa ngayon.
Sinabi ni Dra. Ana Solis, chief Climatology Division ng PAGASA, ang Pilipinas ay isang tropical country kaya walang heat wave sa ating bansa, mas nararanasan anya ang heat wave sa mga bansang may disyerto.
Sinabi ni Solis na sobrang init ng panahon sa ngayon dahil sa umiiral na El Niño Phenomenon na naganap sa panahon ng summer kaya doble ang init na nararanasan natin.
Anya, mas mainit ang nararamdaman ng mga tao kung nasa Urban areas dahil sa naglalakihang mga gusali na gawa sa bato dahil ang bato ay nag- aabsorb ng solar energy mula sa sikat ng araw.
Nagpaalala si Solis sa mamamayan na ingatan ang kalusugan at huwag lalabas ng tahanan mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon para makaiwas sa epekto ng matinding init na panahon.
Bago anya pumasok ang buwan ng Mayo ay maghahayag ang PAGASA ng update sa nararanasang panahon sa ngayon.
Una nang sinabi ni Solis na ang mainit na panahon ay magpapatuloy sa susunod na buwan ng Mayo.
- Latest