Hinaing ng truck drivers vs online shopping, dininig ng Kamara
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan sa Kamara ang isyu sa karaingan ng mga drivers ng Shopee, isang popular na online shopping at delivery services.
Sinabi ni Asosasyon Sang Mangunguma Ng Bisaya-Owa Mangunguma o AAMBIS-Owa Partylist Rep. Lex Colada na dapat masiyasat mabuti ang operasyon sa Pilipinas ng Singapore-based multinational e-commerce giant na Shopee Pte.Ltd.
Hinihikayat ni Colada ang mga kasamahan nitong mambabatas sa Kamara na silipin ang isyu sa paggawa laban sa Shopee partikular na ang umano’y pagpigil nito na magtayo ng unyon ang kanilang mga truck drivers sa loob ng nakalipas na dalawang taon.
Nais rin ng solon na ipatawag ng Kamara si Jan Frederic Chiong, chairman ng Shopee Philippines na may 60% stake sa logistics affiliate ng SPX Express Philippines o mas popular bilang Shopee Express para humarap sa imbestigasyon. Ang dalawang firms ay kapwa subsidiaries ng Shopee’s parent-firm, ang Sea Group of Singapore.
“Shopee has managed to skirt the labor issue by citing the non-existence of a direct employer-employee relationship with its pool of truck drivers. But this is unfair to the hundreds of drivers who bear the heat of the sun to transport the bulk of goods purchased on the Shopee platform,” ani Colada.
Magugunita na nasa 257 drivers na nakabase sa Parañaque hub ng Shopee sa Parañaque ang naghain ng petisyon para sa direktang certification election para sa hangarin ng mga ito sa collective bargaining. Ang nasabing mga drivers ay nais magtayo ng unyon upang protektahan ang kanilang karapatan sa paggawa partikular na ang tamang sahod sa mahabang oras ng pagtatrabaho.
Inirereklamo ng mga drivers na regular silang nagbibiyahe ng mga produkto ng SPX Philippines pero bigong maregular sa kanilang trabaho.
Inihayag pa ng Shopee na ang mga SPX truck drivers ay empleyado umano ng kanilang 22 contractors at sub-contractors sa buong bansa. Idinagdag naman ng solon na sapat ang mga ebidensya na ang Shopee at SPX ay dapat kalingain ang mga nagpe-petisyong mga truck drivers at payagan ang mga itong magtayo ng unyon.
- Latest