Mangingisda nagbabala vs posibleng 'fishing ban' dahil sa Balikatan
MANILA, Philippines — Nagbahala ang isang progresibong grupo ng mangingisda laban sa posibleng "no-sail zone" sa mga baybaying dagat kung saan gaganapin ang 19-araw na US-Philippine Balikatan exercises.
Lunes lang nang magsimula ang naturang joint military drills, bagay na lalahukan ng 16,000 sundalong Pilipino at Amerikano. Magtatagal ito hanggang ika-10 ng Mayo at sinasabing iikot sa Palawan, Batanes Zambales at Ilocos Norte.
Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lalahok ang mga tropang Pinoy at Kano sa ilang maritime live-fire exercises sa ika-8 ng Mayo sa Ilocos Norte.
"Dapat bantayan ang anumang tangka na magdeklara ng fishing ban para bigyang-daan ang ehersisyong militar ng Estados Unidos at Pilipinas na wala namang kabuluhan para sa mamamayang Pilipino, lalo na sa kabuhayan ng mga mangingisda," wika ni Fernando Hicap, PAMALAKAYA National Chairperson, ngayong Martes.
"Pinangangambahan namin na maulit ang kagayang insidente noong nakaraang taon kung saan ilan sa mga bayan ng Ilocos Norte ang isinailalim sa no-sail zone policy kasabay ng Balikatan. Maging ang mga karatig-bayan ng Burgos at Laoag, na hindi naman saklaw ng nasabing ehersisyong militar, ay isinama sa fishing ban."
Taong 2023 nang maglabas ng resolusyon ang Ilocos Norte provincial board para i-relocate ang mga mangingisdang nanghuhuli sa paligid ng Burgos, Pagudpud, Bangui, Pasuquin, Bacarra, Paoay, Currimao, Badoc at Laoag dahil din sa Balikatan.
Sa taya ng PAMALAKAYA, umabot sa 13,800 registered fisherfolk ang naapektuhan ng no-sail zone order sa mga naturang lugar.
"Hindi katanggap-tanggap na maperwisyo ang hanapbuhay ng mga Pilipinong mangingisda para sa mapang-udyok at militaristang aksyon ng U.S. sa ating karagatan," dagdag pa ni Hicap.
"Ito ang isang dahilan kung bakit hindi namin pinag-iiba ang banta ng U.S. at China hindi lamang sa usaping pang-seguridad ng bansa, kundi maging sa kabuhayan at karapatan ng mga mangingisda."
Una nang tinawag na "small inconvenience" ng AFP ang pagkaantala ng fishing operations sa mga komunidad ng Zambales kaugnay ng Balikatan 2023, bagay na kinastigo ng mga progresibong grupo.
Ang ika-39 joint exercise, na dating inilulunsad lang ng mga tropang Pinoy at Kano, ay lalahukan din ng militar at naval forces ng Australia at France.
Ilang araw pa lang nang makastigo ng mga aktibista ang Balikatan exercises sa dahilang patataasin aniya nito ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa panghihimasok ng dating mananakop ng bansa.
Ang anyong tubig ay patuloy na inaagaw ng Beijing kahit nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Maynila.
- Latest