Protocol license pinabawasan ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-regulate sa pag-iisyu ng protocol license plates sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo sa gitna ng dumaraming reklamo sa pagkalat at hindi otorisadong paggamit nito.
Sa Executive Order (EO) No. 56 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, pinaaamyendahan nito ang EO 400 na nag-ootorisa sa pagtatalaga at pag-iisyu sa low numbered protocol license plates vehicles na ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno, at ibinaba ang bilang nito sa 14 mula sa dating 16 officials na entitled sa paggamit nito.
Sa naturang listahan nakasaad na ang Pangulo ang nakatalaga para sa no. 1; Bise Presidente no. 2; Senate President , 3; Speaker of the House of Representatives ,4; Chief Justice ng Korte Suprema, 5; Cabinet Secretaries, 6; Senator, 7; miyembro ng House of Representatives, 8 at Associate Justices ng Korte Suprema ay 9.
Ang Presiding Justice ng Court of Appeals (CA), Sandiganbayan, at Solicitors General ay binigyan ng number 10; Chairperson ng Constitutional Commission at Ombudsman, 11 at ang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at Chief ng Philippine National Police (PNP) ay 14.
Bagamat pinapayagan gumagamit ng protocol license plates ang Associate Justices ng CA, CTA at Sandiganbayan ay hindi nito pinapayagang gumamit ang lahat ng iba pang opisyal na may katulad na ranggo at mas mababa pa dito.
Balido lang ang nasabing protocol license plates habang nanunungkulan sila at maaari lang gamitin sa mga sasakyan na nakarehistro sa kanilang pangalan.
Dalawang pares ng protocol license plates lang ang pinapayagan ibigay sa bawat opisyal habang ang Vice President, Senate President, Speaker of the House, at Chief Justice ay 3 pares.
Isusurender naman ito sa LTO sa sandaling magretiro sila, magbitiw sa pwesto o tapos na ang kanilang termino o tour of duty.
- Latest