2 lotto winners paghahatian P89.55-M jackpot prize
MANILA, Philippines — Hindi lang isa ngunit dalawang mananaya ang maghahati sa P89.55 milyong lotto jackpot prize matapos tamaaan ang mga winning combinations sa nakaraang Superlotto 6/49 draw.
Huwebes lang kasi nang makuha ng mga naturang bettor ang sumusunod na numero matapos ibola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO): 28-16-18-29-14-09.
Wala pa namang sinasabi ang PCSO kung saang lungsod o probinsya binili ang mga nanalong ticket.
Bagama't P89,556,807.60 ang kabuuang papremyo, hindi ito buong-buong makukuha ng dalawang nanalo alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sakop kasi ng 20% buwis ang mga papremyo sa lotto na higit sa P10,000.
Kinakailangang makuha ang naturang papremyo isang taon matapos ibola bago ma-forfeit at mailipat sa charity fund ng PCSO.
Milyun-milyong papremyo uli ang maiuuwi ng mga nagwagi matapos kwestyonin ni Sen. Raffy Tulfo ang 20 beses na "pagkapanalo" diumano ng nag-iisang tao sa jackpot prizes ng PCSO sa loob ng isang buwan.
Una nang pinabulaanan ito ni PCSO general manager Mel Robles na hindi ito totoo, lalo na't tanging sa "lower tier games" lang daw maaaring mag-claim ng papremyo para sa iba.
Pebrero lang nang pagdudahan nang maraming netizens ang kredibilidad ng PCSO lotto draws matapos ang isang "glitch incident" na napanood ng publiko para sa isang 3-Digit game.
- Latest