Masigasig na pagsulong sa pinalaking benepisyo ng seniors, PWDs pinuri
MANILA, Philippines — Pinuri ng mga lider ng mga grupong kumakatawan sa mga ‘senior citizens’ (SC) at ‘persons with disabilities’ (PWD) o mga taong may kapansanan si House Ways and Means Chairman Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa kanyang masigasig na pagsulong sa mga benepisyo para sa kanilang mga sektor sa kapaki-pakinabang na dalawang buwang ‘marathon hearing’ ng 3 komite kabilang ang ‘Senior Citizens Affairs panel na pinumumunuan ni Rep. Rodolfo Ordanes; at ‘PWD affairs committee’ na nasa ilalim ni Rep. Alfel Bascug.
Sa isang pahayag, pinasalamatan ni ‘National Commission on Senior Citizens (NCSC) chairman’ Franklin Quijano si Salceda dahil sa tinawag niyang “most productive congressional hearings” o pinakamabungang mga pulong na dinaluhan ng kanilang ‘Commission’ sa ilalim ng kanyang pamumuno, Pinuri at pinasalamatan din si Salceda ni ‘Executive Secretary’ Nonita Red ng Liga ng OSCA [Office of Senior Citizens Affairs] ng Pilipinas, sa malawakan at malalim na talakayan sa pagpupulong at naging kapaki-pakinabang ito para sa kanilang sektor. Si Red ang namumuno sa OSCA ng Oas, Albay. Ayon kay Salceda, kasama sa mga positibong bunga ng kanilang ‘joint committee hearings’ ang ang pinalaking pakinabang ng matatanda sa diskuwento sa binibili nilang personal na pangangailangan na itinaas sa P500 mula sa P260 bawat buwan; madaling pagtawag ‘online’ sa mga ‘ride-hailing and delivery platforms’ gaya ng Grab, Angkas, at FoodPanda; espesiyal na ‘discount application’ sa MERALCO para sa mga SC at PWD; 40% discount ng SC at PWD sa Starbucks; dagdag na 20% ‘top-up commitment on RFID load’ para sa matatandang gumagamit ng ‘SMC Tollways;’ libreng pagparada ng matatanda ng kanilang sasakyan sa mga major malls; amyenda sa ‘implementing guidelines’ ng mga programa ng pamahalaan gaya ng TUPAD at ‘Government Internship Programs’ para libreng makasali mga Senior Citizens; pagpalawak sa mga benepisyo ng Philhealth lalo na sa pangangalaga at rehabilitasyon ng mga may kapansanan; at paggamit ng ‘electronic alternatives’ sa halip ng dating ‘booklet system’ para makakuha ng diskuwento ang matatanda at iba pa.
- Latest