FB page ng PCG, na-hack uli!
MANILA, Philippines — Sa ika-apat na pagkakataon ngayong taon ay muling nabiktima ng cyber attack ang Facebook page ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes Santo.
Kinumpirma ito ni PCG Spokesperson CG Rear Admiral Armand Balilo nang tanungin ng media hinggil sa isang “unknown entity” na nakakuha ng access sa FB page ng PCG bandang alas-12:30 ng hapon nitong Marso 29.
Dalawang “maliscious short videos” na naka-post ang nakita nang oras na ma-hack ang FB page, na minomonitor ngayon ng Coast Guard Public Affairs (CGPAS).
“The CGPAS is now coordinating with the Cybercrime Investigation and Coordinating Center under the Department of Information and Communications Technology (DICT) to conduct backend operations and assess the security breach,” ayon sa inilabas na pahayag ng PCG.
Ang pinakahuling pag-atake noong Pebrero 26, 2024 ay katulad din ng ginawa ng “unknown entity” na nag-upload din ng dalawang maikling video at nawalan ng access ang PCG sa FB page nito na nabawi lamang noong Peb. 29, 2024.
Peb. 15 naman nang ma-hack din ang X (dating Twitter) page ng PCG, na nabawi rin makaraang ang ilang oras.
Pebrero 3 naman nang ang DICT ang nagkumpirma na isa ang website ng PCG sa iba pang mga website ng gobyerno, na nabiktima ng mga cyber attacks na ginawa mula sa isang internet protocol address na natunton sa isang lokasyon sa China.
- Latest