P7 bilyong SHS voucher program ginasta sa ‘di mahihirap
MANILA, Philippines — Gumasta ang pamahalaan ng mahigit P7 bilyon para sa mga benepisyaryo ng senior high school voucher program (SHS-VP) na hindi naman nangangailangan o non-poor beneficiaries.
Ito ang isa sa mga pinuna ni Sen. Win Gatchalian sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8545 o Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Act.
Sa ilalim ng SHS-VP, nakakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng voucher ang mga kwalipikadong mag-aaral ng SHS mula sa mga kalahok na pribadong paaralan at mga non-Department of Education (DepEd) schools.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian, lumalabas na noong school year 2021-2022, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners. Sa school year 2019-2020 naman, P7.30 bilyon o 39% ng P18.76 bilyong pondo ang napunta sa mga non-poor learners.
Gamit ang datos ng Annual Poverty Indicators Survey 2020 at 2022, binigyang diin ni Gatchalian na noong school year 2021-2022, 70% ng mga benepisyaryo ng SHS-VP ang nagmula sa mga non-poor households. Noong school year 2019-2020, 64% ang nagmula sa mga non-poor households.
“Para sa akin, nasayang ‘yung pondo. Mahalagang itama natin ito agad at suriin natin ito nang maigi sa budget hearing. Kailangang tiyakin nating napupunta ang bawat sentimo sa mga nangangailangang mag-aaral at sa maayos na pagpapatakbo ng mga programa at proyekto. Pero batay sa datos na nakikita natin, hindi maayos ang pagpapatakbo ng programa,” ani Gatchalian.
Pinuna na rin ng senador ang parehong suliranin sa pagpapatupad ng Educational Service Contracting (ESC) program, na bahagi rin ng GASTPE. Para sa school year 2020-2021, 68% ng mga benepisyaryo ang nagmula sa mga non-poor. Dahil dito, umabot sa P8.6 bilyon ang pondong nasayang.
Matatandaang pinuna ng Commission on Audit (COA) sa 2018 Performance Audit Report nito na nagbibigay ang DepEd ng ayuda kahit sa mga non-poor families. Inirekomenda rin ng naturang report ang pagbibigay ng prayoridad sa mga mag-aaral na mula sa mahirap na pamilya.
- Latest