^

Bansa

4 na senador kumontra sa pag-aresto, 'contempt' order vs Quiboloy

James Relativo - Philstar.com
4 na senador kumontra sa pag-aresto, 'contempt' order vs Quiboloy
Kuha kay Sen. Robinhood Padilla ngayong ika-7 ng Marso, 2024
Video grab mula sa YouTube channel ng Senate of the Philippines

MANILA, Philippines (Updated 5:16 p.m.) — Maliban kay Sen. Robinhood Padilla, tatlong miyembro pa ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang pumirma laban sa pag-aresto sa religious leader na si Apollo Quiboloy.

Ito ang ibinahagi ng actor-turned-senator, matapos irekomenda ni committee chair Sen. Risa Hontiveros ang pag-aresto at pag-cite for contempt kay Quiboloy dahil sa kabiguang tumestigo sa pagdinig ng diumano'y sexual abuse sa mga miyembro ng kanyang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church.

"Meron pa akong bukas, meron pa akong Sabado, Linggo. Sana mapagbigyan ako ng mga nagsasabing hindi sila pipirma," ani Padilla ngayong Huwebes sa isang press conference.

Kabilang sa mga pumirma sa written objection sina:

  • Sen. Bong Go
  • Sen. Cynthia Villar
  • Sen. Imee Marcos 

Una nang isinama ni Padilla sa listahan si Sen. JV Ejercito, ngunit iniatras ng "the good one" ang kanyang lagda ngayong araw.

Para maibaliktad o maamyendahan ang anumang contempt order, kinakailangang magkasundo ang mayorya ng mga miyembro ng isang komite. Alinsunod ito sa Section 18 ng Rules of Procedures Governing Inquiries in Aid of Legislation.

"Ang kailangang pumirma riyan ay mga miyembro [ng komite]. Eh kung nagkataong miyembro sana si Bato [dela Rosa] o si [Francis] Tolentino, sana [kasama pa sila]," dagdag pa ni Padilla.

"Anuman ang kahinatnan nitong aking mosyon, na bawiin sana 'yung contempt, ang mahalaga sa akin dito ay ipinaglalaban ko ito kasi demokrasya ito eh. Magkakaiba tayo ng prinsipyo. Hindi ito usapin ng kaibigan ko si Pastor. Hindi 'yon... Hiwalay 'yon."

Kinumpirma na ni Villar ang kanyang paglagda sa written objection at sinabing "mabait" ang pastor sa kanilang pamilya, kung kaya't hindi raw siya naniniwala sa mga paratang ng pag-aabuso.

Nirerespeto at ginagalang naman daw ni Padilla ang karapatan nina Hontiveros at lahat ng mga senador na ayaw pumirma sa written manifestation, bagay na may magaganda rin daw na mga paliwanag.

Ilan sa mga sinasabing tumutol sa a sina Sen. Grace Poe at Sen. Raffy Tulfo.

Separation of church and state?

Ginagamit ngayon ni Padilla ang Article II Section 6 ng 1987 Constitution para harangin ang pagkaka-cite for contempt ni Quiboloy, bagay na tumutukoy sa paghihiwalay ng estado at simbahan.

"[I]n aid of legislation [itong ikinakasang imbestigasyon]... umaabot sa eskandalo," patuloy pa ng kontrobersyal na senador.

"Dito sa nakikita ko, pagka nagpatuloy sa ganitong proseso, magkakaroon ba tayo ng mga panukalang[ batas] na sasagasaan natin ang religion? Kasi papunta na ito eh. Wala na kay pastor 'yung ano. Napupunta na roon sa organisasyon, sa buong religion nila."

Kasalukuyang wanted sa U.S. Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy, kasama ang dalawa pa, kaugnay ng reklamong sex trafficking — pati na sa mga menor de edad. Idinaan daw sa KOJC ang pagrerekluta sa mga babae at bata para maisakatuparan ito.

Iginigiit ni Padilla ang separation of church and state kahit na pwedeng-pwedeng makasuhan at makulong ang mga religious leaders na gumagawa ng criminal offenses.

Tumutukoy ang prinsipyong nababanggit sa religious neutrality ng estado at paghihiwalay ng government affairs sa usaping panrelihiyon, ayon sa https://attorney.org.ph/.

Maliban sa paggamit sa Saligang Batas, sinasabi pa ni Padilla na sobra-sobra aniya kung pagtutulungan ng Department of Justice (DOJ), Kamara at Senado si Quiboloy.

Magastos din daw ito kung rekurso ng gobyerno ang usapin.

"Ang aking paniniwala rito, ito ay nasa DOJ na [ang kaso ni Quiboloy]... "Siguro pagkatapos nilang magdesisyon [ng DOJ], at kung ano ang ilabas ng judiciary, 'yun ang kunin natin sa legislative at doon kami, in aid of legislation, gumawa ng batas," aniya.

"Nandiyan na 'yan sa DOJ. Iwan na natin sa kanila."

Kasama si Sen. Imee sa mga pumirma laban sa pagpapaaresto kay Quiboloy kahit pinararatangan ng pastor si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. bilang kasama sa mga gustong magpa-kidnap at magpapatay sa kanya.

Una nang itinanggi ni Bongbong na nakikipagsabwatan siya sa FBI at Central Intelligence Agency para ipatumba si Quiboloy, ito habang hinihimok ang "Appointed Son of God" na dumalo sa mga pagdinig ng Senado at Kamara.

APOLLO QUIBOLOY

BONG GO

CYNTHIA VILLAR

FEDERAL BUREAU OF INVESTIGATION

HUMAN TRAFFICKING

IMEE MARCOS

JV EJERCITO

ROBIN PADILLA

SEXUAL ABUSE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with