Industriya ng natural gas palalakasin
MANILA, Philippines — Umusad na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang industriya ng natural gas na inaasahang magpapahusay sa pambansang seguridad sa enerhiya at magpapababa ng gastos sa enerhiya.
Sa pulong ng Senate Committee on Energy Technical Working Group tungkol sa Senate Bill No. 2247 na inihain ni Sen. Raffy Tulfo, sinabi ni Atty. Gareth Tungol, special legal counsel ng senador na ang pagpapaunlad ng natural gas industry ay magbubukas ng mas malaking market share para sa mga namumuhunan habang ang patakaran ng gobyerno ay lumilipat sa “clean energy.”
Layunin ng panukala na isulong ang pagbuo ng isang komprehensibo, integrated legislative policy na tutulong sa mabilis na pag-unlad ng sektor ng natural gas ng Pilipinas.
Iginiit ni Tungol ang pangangailangan na maisabatas ang panukala sa gitna ng pagsisikap na mapalawig ang buhay ng Malampaya gas na nagsusuplay ng 40 porsyento ng natural energy ng bansa simula noong 2001.
Suportado rin ng Department of Energy ang development ng natural gas industry sa bansa na kinalaunan ay magpapalago sa power generation industry.
Ipinaalala pa ni Tungol na bukod sa mas makakamura sa konsumo ng kuryente sa paggamit ng natural gas, mas makatutulong pa ito sa kalikasan dahil ang paggamit ng coal o uling ay nakakasira sa kapaligiran bukod pa sa makapagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino ang malalaking korporasyon.
- Latest