Divorce Bill umusad na sa Kamara
MANILA, Philippines — Umusad na sa Kamara ang Absolute Divorce Bill na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawang hindi na magkasundo lalo na ang mga kababaihang dumaranas ng pang-aabuso na makalaya sa isang relasyon.
“An absolute divorce law is urgently necessary in marriages which have collapsed and are beyond repair, where the majority of the victims are the wives who have been subjected to cruelty, violence, infidelity, and abandonment,” pahayag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na pangunahing may-akda at nag-isponsor sa House Bill (HB) 9349.
Sinabi ni Lagman na ang absolute divorce ay hindi dayuhang konsepto para sa mga Pilipino dahil matagal na itong praktis noon pa mang panahon ng mga Kastila, Amerikano at maging ng mga Hapones ng manakop ang mga ito sa bansa.
Inihayag nito na ang Pilipinas lamang at ang Vatican City-State sa mga bansa sa buong mundo kabilang ang mga Katolikong nasyon ang legal ang diborsiyo at maging si Pope Francis aniya ay may malaya na ring pananaw sa usapin ng diborsiyo.
Binigyang diin ni Lagman na bagaman ang estado ay patuloy na pinangangalagaan ang kasal bilang institusyon at pundasyon ng pamilya ay may responsibilidad ito na sagipin ang mga mag-asawa at kanilang mga anak mula sa isinalarawan nitong “nasusunog na tahanan”.
Anya, ang mga bata ang benepisyaryo ng diborsiyo dahil sila ang pangunahing apektado kapag hindi na magkasundo at palaging nag-aaway ang isang mag-asawa.
Tiwala si Lagman na ganap na maisasabatas sa Pilipinas ang Absolute Divorce Bill.
- Latest