^

Bansa

Quiboloy bumaliktad kay Marcos Jr., sinabing ipapa-'assassinate' siya

James Relativo - Philstar.com
Quiboloy bumaliktad kay Marcos Jr., sinabing ipapa-'assassinate' siya
Litrato nina Apollo Quiboloy (kaliwa) at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (kanan)
AFP / Manman Dejeto, File; PPA pool photos/Noel Pabalate

MANILA, Philippines — Idinidikit ngayon ng religious leader at wanted sa Amerikang si Apollo Quiboloy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa diumano'y planong pagpapapatay sa kanya — ito'y kahit sinuportahan niya ang presidente noong halaang 2022.

Ito ang kinuda ng pinararatangang child sex trafficker ngayong Miyerkules ng umaga, sa gitna ng patung-patong na subpoena sa kanya ng mga miyembro ng Senado at Kamara kaugnay ng diumano'y pang-aabuso at violations ng Sonshine Media Network International (SMNI).

"Ang kanila daw pong gagawin, ng [Central Intelligence Agency], ng [Federal Bureau of Investigation], ng US Embassy at State Department, kasabwat ng ating gobyerno, ng Pangulong Marcos, at ng First Lady, at kung sinupaman ang nasa gobyerno, ay 'rendition' ang kanilang gagawin," sabi niya sa isang pahayag sa YouTube.

"Ang ibig sabihin po, anumang oras pwede nilang pasukin ang aking compound at ako ay kidnapin. It's not only rendition but also elimination. If it is possible, pwede nila akong i-assassinate."

 

 

Banggit ni Quiboloy, bunga raw ito ng diumano'y pag-ayaw ng Estados Unidos sa extradition treaty, isang kasunduang ginagamit para matulungan ang mga gobyerno laban sa mga suspek na "tumatakas" sa kanilang bansa.

Wala pang pahayag ang kampo ng Malacañang sa mga alegasyon.

Taong 2018 pa ay kinasuhan na siya sa Amerika kaugnay ng undeclared rifle parts at US$350,000 na nakuha sa kanyang pribadong jet. Bagama't naibasura ang naturang reklamo, pinagmulan ito ng imbestigasyon kaugnay ng human trafficking.

Kumuha na raw sila ng 20 abogado para sagutin ang 43 counts ng reklamo laban sa kanila. Nag-aantay lang daw ang mga nabanggit sa Amerika at Pilipinas ng paglilitis ngunit ipinagpaliban daw simula pa 2018.

Inoobliga sa ngayon ng Senado si Quiboloy humarap sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para sagutin ang mga alegasyon katulad ng human-trafficking, sexual exploitation atbp.

Matatandaang inihanda ang detention facility ni Quiboloy sa Kamara kung sakaling patuloy na hindi sumiport sa pagdinig ng komite sa aniya'y paglabag ng SMNI sa prangkisa nito.

Under surveillance?

Aminado rin si Quiboloy sa pagtatago sa ngayon, lalo na't sinu-surveillance daw sila ng CIA at FBI gamit ang mga drone. Wala siyang inilatag na patunay dito sa YouTube video.

"Nandoon po sa dalawang 'yun: kidnapping or assassination. Killing talaga, murder. 'Yun po ang dumating na balita sa akin ngayon from reliable sources," wika pa ni Quiboloy, habang idinidiing hindi siya tumakas ng Amerika.

"Hindi po ba itong aking constitutional rights, nawala na? Sapagkat ako po ay ibinigay na sa kamay ng mga banyagang ito ng ating sariling gobyerno, ni Pangulong Marcos at ni First Lady Araneta Marcos."

Hinamon din niya si Marcos na patotohanan o pasinungalingan ang mga impormasyong nakuha lalo na't "nasa peligro" raw ang buhay ng religious leader.

'Duterte kumuha ng baril kay Quiboloy'

Dagdag pa ng pastor, ginagamit lang daw sa ngayon ang mga "maling paratang" sa kanya para madamay sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte.

Kamakailan lang nang sabihin ng isang testigo sa Senado na tumanggap sina Digong at VP Sara ng mga baril mula kay Quiboloy. Itinanggi na ito ikalawang pangulo.

Nangyayari ang lahat ng ito ilang araw matapos magturuan sina Marcos at Digong kaugnay ng diumano'y paggamit nila ng droga.

Matatandaang kilalang spiritual adviser ng nakatatandang Duterte si Quiboloy. Pawang taga-Davao ang dalawa.

APOLLO QUIBOLOY

ASSASSINATION

BONGBONG MARCOS

CENTRAL INTELLIGENCE AGENCY

FEDERAL BUREAU OF INVESTIGATION

HOUSE OF REPRESENTATIVES

SENATE

SUBPOENA

UNITED STATES OF AMERICA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with