Presyo ng bigas, hirap pa rin maibaba – DA
MANILA, Philippines — Hirap pa rin na maibaba ang presyo ng bigas sa bansa kahit na may mga bagong ani na palay at may dagdag na bigas mula sa rice importation nitong Enero ngayong taon.
Ito ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Operations Roger Navarro Navarro ay dahil sa patuloy na pagtaas ng demand ng bansa sa bigas at ang rice exporting countries ng bansa na Vietnam at Thailand ay nagtaas ng halaga ng kanilang bigas nang may P48 hanggang P52 kada kilo.
Bukod dito, binigyang diin ni Navarro na malaking hamon din na maibaba ang presyo ng bigas dahil din sa ginawang export ban ng India sa non-basmati rice, matinding epekto ng El Niño sa mga palayan at mataas na halaga ng fertilizer at iba pang farm inputs.
Anya, ang Pilipinas ay nakonsumo ng 37,000 metric tons ng bigas kada araw kaya’t kailangan ang pag-import ng 300,000 tonelada ng bigas kada buwan bilang dagdag sa bigas mula sa local farmers.
Sinabi ni Navarro na may kabuuang 590,000 metric tons ng bigas ang inimport ng bansa bilang pandagdag sa aanihing palay ng mga magsasaka sa susunod na buwan.
Sa ngayon ay naglalaro mula sa P37-P42 kada kilo ang well milled rice, sinandomeng P36-P42 kilo, denorado P48-P55, jasmine P46-P52 at malagkit P60 kada kilo.
- Latest