DepEd: Duck hair clips, ok isuot ng estudyante, guro
MANILA, Philippines — Maaari umanong isuot ng mga guro at mga estudyante sa klase ang trending ngayon na duck hair clips.
Ayon kay DepEd Deputy Spokesman Francis Bringas, wala siyang nakikitang problema kung naisin man ng mga guro at mga estudyante na makisunod sa uso o trend. Maging siya nga ay bumili rin ng sarili niyang duck hair clip sa Binondo, Maynila kamakailan.
Ipinaliwanag ni Bringas na ito ay isang libangan at hair accessory lamang, na maihahalintulad sa ribbon o headband.
Sa kanyang palagay naman aniya ay hindi ito makakaapekto sa klase kung magsusuot man nito ang mga guro at mga mag-aaral.
“It’s just a fad. It’s a hair accessory, siguro it won’t hurt the class kung meron extra accessory sa ulo. I don’t think it will bothersome for many,” ayon kay Bringas, sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo. “The teacher is the bigger motivator in the classroom...If he or she finds it really appropriate to get the learners to pay attention, so be it.”
Nagmula ang hair clip trend sa China noong 2015 ngunit sa halip na bibe ay halaman ang naka-adorno dito.
Sa Pilipinas, una umanong sumikat ang duck hair clip sa Baguio City kamakailan at mabilis nang kumalat sa iba pang panig ng bansa.
?Nitong katatapos na Chinese New Year, karamihan sa mga taong nakiisa sa okasyon sa Chinatown sa Maynila ay nakasuot rin ng duck hair clips.
- Latest