Terrorist activities sa Mindanao apektado sa pagkahuli kay Mabanza – PNP
MANILA, Philippines — Itinuturing ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na malaking dagok sa mga local terrorist na kaanib ng Islamic State (ISIS) at Al Qaeda ang pagkakaaresto ng global terrorist na si Myrna Mabanza.
Ayon kay Acorda, makakaapekto sa cash flow ng mga lokal na terorista sa Mindanao ang pagkaaresto kay Mabanza na nagsilbing local financial conduit ng mga foreign terrorist groups.
Si Mabanza ay naaresto nitong Huwebes ng pinagsanib na pwersa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Anti-Money Laundering Council (AMLAC), at Presidential Anti-organized Crime Commission, sa Barangay Pasil, Indanan, Sulu.
Nahaharap si Mabanza sa limang counts ng paglabag sa RA 10168 o The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o The Anti-Terrorism Act of 2020.
Sangkot si Mabanza sa pag-transfer ng $107,000 sa noo’y ISIS-Philippines leader Isnilon Hapilon at naging taga-hatid din ng pera sa ibang ISIS member.
- Latest