‘Heartbreak’ leave inihain sa Kamara
MANILA, Philippines — Dahil ‘love month’ ngayon, inihain ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan sa Kamara ang ‘Breakup leave ‘ para magpagaling sa pighati sa kabiguan sa pag-ibig ang mga nakipaghiwalay sa kanilang mga dyowa at asawa.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 9931, ang mga empleyado na nasa edad 25-anyos ay papayagang mag-leave o magbakasyon ng isang araw na unpaid heartbreak leave kada taon.
Ayon sa solon, tila nauuso ang breakup o hiwalayan ng mga magsing-irog kung saan dahilan sa matinding pighati ay hindi makapokus sa trabaho ang mga apektado kaya dapat magkaroon ng batas ukol dito.
Ang mga 25-35-anyos ay maari namang magbakasyon ng dalawang araw kada taon habang ang mga empleyadong 36-taon pataas ay 3 araw ang heartbreak leave kada taon.
Ang mga mas batang empleyado ay mabilis makarekober kaya mas maikli ang leave periods para sa mga ito habang ang mga indibidwal na nasa nabanggit na bracket dahilan sa mga problema sa pamilya ay mas nangangailangan ng mas mahabang bakasyon.
Para naman maging kuwalipikado sa heartbreak leave ay dapat magpakita ng pirmadong pahayag ang mga empleyado na kinukumpirma ang pagtatapos ng relasyon nito sa kaniyang ka-partner. Dito’y kailangang ipaalam ng mga empleyado sa kanilang mga superior sa loob ng 48 oras na maaga na magpa-file sila ng heartbreak leave.
Idinagdag pa dito na ang heartbreak kapag hindi naagapan ay may mga personalidad na sumusuko at kinikitil ang kanilang buhay bagay aniyang dapat na maiwasan.
- Latest