Pasaporte ni Teves pinakakansela ng korte
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng korte sa Maynila ang agarang pagkansela ng pasaporte ng napatalsik na kongresista na si Arnolfo “Arnie” Teves Jr.,
Kinumpirma ng Department of Justice (DaOJ) na nakatanggap sila ng utos mula sa Manila Regional Trial Court Branch 51, na inilabas noong Huwebes, Pebrero 8, na nagkansela ng pasaporte ni Teves.
Si Teves, na kinatawan ng 3rd District ng Negros Oriental, ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023.
Itinuturing na siyang isang pugante at pinaniniwalaang nasa labas ng bansa.
Mayroong dalawang standing warrant laban kay Teves: isa para sa murder, frustrated murder, at attempted murder na mga kaso kaugnay ng pagkamatay ni Degamo at iba pa na napatay sa pag-atake sa gobernador, at isa pa dahil sa kanyang diumano’y pagkakasangkot sa mga pagpatay na nangyari sa kanyang sariling lalawigan noong 2019.
Bukod sa pagkansela ng pasaporte, inutusan din ng Manila court ang Department of Foreign Affairs at National Bureau of Investigation na “gumawa ng tamang hakbang” para mapadali ang pagbabalik ni Teves sa bansa.
- Latest