^

Bansa

'Nasaan ang Navy?': Grupo sa pag-agaw ng Tsina sa mga huli ng Pinoy sa Panatag

James Relativo - Philstar.com
'Nasaan ang Navy?': Grupo sa pag-agaw ng Tsina sa mga huli ng Pinoy sa Panatag
A Philippine fishing boat is shadowed by the Chinese Coast Guard near Panatag or Scarborough Shoal in the West Philippine Sea on Friday. Below, a 300-meter-long floating barrier installed by China prevents Filipino fishermen from entering the resource-rich fishing ground.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Dismayado ang isang progresibong grupo ng mga mangingisda sa panibagong panggigipit ng Tsina sa mga Pinoy loob ng West Philippine Sea — aniya, wala kasi ang otoridad ng gobyerno nang mangyari ito.

Ika-12 ng Enero lang nang utusan ng China Coast Guard (CCG) ang ilang Pilipinong mangingisda na isaoli sa dagat ang mga nahuling taktakun shells sa Panatag (Scarborough) Shoal o Bajo de Masinloc, kahit nasa loob sila ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ang insidente ay Lunes lang kinumpirma ni Philippine Coast Guard-West Philippine Sea (PCG-WPS) spokesperson Commodore Jay Tarriela.

"Karapat-dapat lamang kundenahin ang panibagong agresibong aksyon ng China laban sa ating mga mangingisda. Walang batayan ang nasabing bansa na pigilan ang mga Pilipino na makapangisda sa ating tradisyunal na pangisdaan," ani PAMALAKAYA secretary general Salvador France, ngayong Martes.

"Subalit kwestyunable rin ang kawalan ng presensya ng Philippine Coast Guard o ng anumang pwersang pandagat ng Pilipinas sa lugar noong mangyari ang insidente. Maaari sana itong maiwasan kung aktibong nagpa-patrulya ang PCG o Navy sa ating karagatan."

 

 

Una nang sinabi ni Tariella na bandang 8:43 a.m. nang makita ng Pinoy na si Jack Tabat, na noo'y sakay ng FB Legendary Jo, ang limang miyembro ng CCG lulan ng isang rubber boat na may registration number 3104 nang mangyari ang insidente.

Aniya, biglang pinatunog ng CCG ang kanilang sirena at pinigilan ang mga Pinoy manghuli ng mga nakakaing kabibeng kahalintulad ng suso.

Lalapit pa sana ang FB Legendary Jo para i-record ang insidente sa video ngunit lumikas na nang maramdamang hahabulin sila ng CCG.

Kalmadong pagharap sa isyu?

Ang panibagong kaso ng harassment sa mga laot ng West Philippine Sea ay nangyayari ilang araw lang matapos i-convene ang ika-8 Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea sa Shanghai, kung saan nagkasundo ang Maynila at Beijing na "kalmahan" ang pagharap sa mga insidente sa dagat.

Patuloy na ginagawa ng gobyerno ng Tsina ang nabanggit kahit 2016 pa binalewala ng Permanent Court of Arbitration ang nine-dash line claim ng Tsina sa halos buong South China Sea, bagay na pumapanig sa Pilipinas pagdating sa West Philippine Sea.

"Sa mahigit isang taon nang panunungkulan, may pananagutan na si Pangulong Marcos Jr. sa kawalang malinaw na plano nito kung paano poprotektahan ang karapatan ng mga mangingisda at ang pambansang soberanya," dagdag pa ni France.

"Lalong hindi epektibong solusyon, bagkus ay nagpapalala pa ng tensyon, ang patakarang panlabas ni Marcos Jr. na higit na nagpapasok sa mga sundalong Amerikano para regular na maglunsad ng ehersisyong militar sa ating bansa."

"Naninindigan kami sa nagsasariling patakarang panlabas bilang epektibong solusyon para igiit ang ating pambansang soberanya at kasarinlan. Kasabay ito ng pagpataw ng ipinanalo natin sa international tribunal kung saan pinagtibay ang ating ligal, pulitikal, at istorikal na karapatan sa West Philippine Sea."

Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Coast Guard na handa ang militar, lalong-lalo na ang Philippine Navy, na magbigay ng suporta sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

PAMALAKAYA

PANATAG SHOAL

PHILIPPINE COAST GUARD

PHILIPPINE NAVY

SCARBOROUGH SHOAL

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with