Bilateral aviation agreement ng Pinas at US, palalawakin
MANILA, Philippines — May usapan na ang gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos ng pagpapalawak sa “bilateral aviation agreement” ng dalawang bansa na 40 taon nang hindi nagagalaw.
Ayon kay US Ambassador MaryKay Carlson, ito ang naging resulta ng nakaraang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington, D.C. noong nakaraang taon, kung saan napag-usapan ang pagpapalawak sa “air connectivity” at gawing moderno ang “bilateral aviation relationship” ng dalawang bansa.
“This is exactly the type of momentun we now need to further modernize our aviation ties, as we see to upgrade our bilateral aviation agreement that is now 40 years old,” saad ni Carlson.
Inihayag ito ni Carlson sa gitna ng pagpapasinaya sa historical marker ng paglapag ng Pan-Am China Clipper sa Manila Bay noong 1935, sa harapan ng Manila Yacht Club sa Roxas Boulevard, Maynila.
Ang biyahe ng naturang sea-air vessel ang naging unang “Trans-Pacific Airmail and Passenger Flight” sa mundo.
Ito rin ang naging hudyat ng kakayanan na makabiyahe ng isang eroplano sa Dagat Pasipiko mula Estados Unidos hanggang Asya at sinundan ng iba’t ibang mga biyahe sa naturang karagatan.
Kahapon, pinirmahan nina MYC Commodore Ildefonso Marco Tronqued, National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carminda Arevalo, at NHCP Dr. Emmanuel Franco Calairo ang katibayan ng paglilipat at pagtanggap sa naturang historical marker.
Sinabi ni Commodore Tronqued na ang paglalagay ng “historical marker” sa MYC ay lalong nagpatatag sa pagiging “historical landmark” sa Pilipinas ng Yacht Club.
- Latest