^

Bansa

Starbucks kinastigo sa limitadong discount sa seniors, PWDs

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Starbucks kinastigo sa limitadong discount sa seniors, PWDs
Starbucks logo
Image by S.Ratanak via Unsplash

MANILA, Philippines — Matapos ipag-utos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon, iniatras ng sikat na coffee chain Starbucks ang paglimita sa nakukuhang 20 porsyentong diskwento ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Sa pagdinig ng House committee on ways and means, inamin ni Angela Cole, ang operations director ng Starbucks Phi­lippines, ang naging pagkakamali sa paglimita sa ibinibigay na diskwento at sinabi na agad umanong ipinatanggal ang maling signage na naipaskil sa mga outlet nito.

Nakasaad sa kontro­bersyal na signage ng Starbucks na ang discount ay ibibigay lamang sa isang food item at isang inumin.

Ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon matapos na makatanggap ng ulat na hindi nasusunod ang pagbibigay ng discount sa mga PWD at senior citizen. Si Speaker Romualdez ang pangunahing may-akda ng batas na nagbibigay ng diskwento sa mga senior at PWD.

Isa sa mga reklamong natanggap nito ang ­paglimita ng Starbucks sa maaaring bigyan ng 20% discount.

Sinabi ni ACT ­Teachers Partylist Rep. France Castro na kung hindi pa nagpatawag ng imbestigasyon si Speaker Romualdez ay hindi babawiin ng Starbucks ang pagkakamali nito.

Nagpasalamat naman si Parañaque City Rep. Gus Tambunting kay Speaker Romualdez. “Salamat sa ating Speaker. Sana mabawas-bawasan na ang pang-aagrabiyado sa ating mga senior citizen at PWD,” anito.

Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang pagsasampa ng kaso ng Pasig Prosecutor’s Office laban sa dalawang opisyal ng isang hotel sa Pasig City na tumangging magbigay ng discount sa parokyanong senior citizen.

Upang makabawi sa kanilang pagkakamali, humirit naman ang chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na magbigay ang Rustan’s Coffee Corp., ang local licensee ng Starbucks, ng buy-one-take-one sa mga senior citizens at PWDs gaya ng pagbibigay ng libreng inumin sa pagbili ng isang croissant.

“You violated the law. Saying sorry is not enough. We will consider initiating prosecution,” sabi ni Salceda kay Cole na sumagot naman na ipararating nito ang kanyang sinabi sa kanyang mga principal.

Ayon kay Salceda nakatanggap din ito ng kaparehong reklamo laban sa Goldilocks na nililimita umano ang 20-percent discount sa isang slice ng cake.

“We will look into this as well,” sabi ni Salceda.

Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Atty. Romulo Macalintal na ang tinutukoy na hotel ay ang Marco Polo Hotel-Pasig.

“We are expecting arrest warrants to be issued today (Wednesday) against responsible hotel officers,” sabi ni Macalintal.

Ayon kay Salceda, ang 20% discount ay dapat ibigay sa mga senior citizen at PWD maging promotional man ang kanilang presyo o hindi.

Dapat ay ibinibigay din umano ang discount kahit na sa pagbili online, kasama ang mga airline tickets.

Itinulak din ni Macalintal ang pagbabalik ng ibi­nibigay na discount sa mga senior citizen at PWD sa paggamit ng expressways at skyway.

STARBUCKS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with