'Maligayang Bagong Taon!': Mananaya tinamaan P43.88-M lotto jackpot
MANILA, Philippines — Magiging "happy" talaga ang New Year ng isang mananaya ng lotto matapos niyang tamaan ang mahigit P43.88 milyong jackpot sa nakaraang Lotto 6/42 ng Phiilippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Huwebes kasi nang solong mapalanunan ng lucky bettor ang limpak-limpak na papremyo matapos tayaan ang sumusunod na kombinasyon ng numero: 18-34-01-11-28-04.
Wala pa namang inilalabas na detalye ang PCSO kung saang lungsod, bayan o probinsya binili ang winning ticket.
Sa kasamaang palad, wala namang nakakuha ng Superlotto 6/49 at 6D Lotto na pawang may jackpot prie sana na P20.17 milyon at P3.58 milyon.
Bagama't napalanunan ng swerteng mananaya ang Lotto 6/42, hindi niya makukuha ang kabuuan ng P43,882,361.60 jackpot prize.
Alinsunod kasi sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, saklaw ng 20% buwis ang mga papremyong lagpas sa P10,000 ang halaga.
Una nang sinabi ng PCSO na kinakailangang makubra ang anumang papremyo sa loob ng isang taon. Mapupunta sa Charity Fund ng naturang ahensya ang pera kung sakaling mabigo ang winner na makuha ito sa takdang panahon.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang mapalanunan ng isang bettor ang P310.69 milyon matapos tamaan ang Super Lotto 6/49 ilang araw bago ang Kapaskuhan.
- Latest