'Boga' pinaka-nakadidisgrasyang paputok bago New Year 2024
MANILA, Philippines — Batay sa datos ng Department of Health (DOH), "boga" pa rin ang dahilan ng may pinakamaraming fireworks-related injuries (FWRIs) ngayong holiday season.
Ito ang ibinahagi ng DOH sa isang pahayag na siyang ibinahagi sa media nitong Miyerkules nang hapon.
Narito ang bilang ng mga pinakamadalas makadisgrasya gamit ang mga numero ng Kagawaran ng Kalusugan kahapon:
- Boga (16, 21%)
- 5-Star (14, 19%)
- Kwitis (9, 12%)
- Piccolo (6, 8%)
- Pla-Pla (5, 7%)
- Luces (3, 4%)
- Whistle Bomb (3, 4%)
Ngayong Huwebes lang nang sabihin ng DOH na 52 sa 88 FWRIs (59%) ay sanhi ng mga iligal na paputok.
Pare-parehong iligal na paputok ang boga, 5-star, piccolo at pla-pla na una nang pinangalanan ng Philippine National Police bilang sensitibo at delikadong paputok.
"[T]atlo sa bawat sampung kaso ay nagmula sa NCR (31, 35%)," paliwanag pa ng DOH.
"Sumusunod sa NCR sa bilang ng kaso ang Central Luzon (11, 12%), Ilocos Region (10, 11%), Bicol Region (5, 6%), Davao Region (5, 6%), at Soccsksargen (5, 6%)."
Aabot sa 96% ng lahat ng FWRIs sa ngayon ay nangyari sa bahay at sa mga lansangan. Karamihan sa mga nabiktima ay lalaki at may aktibong pakikilahok.
Fireworks display zone
Muli namang nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalang magtalaga ng mga "fireworks display zone" sa kani-kanilang lokalidad upang ligtas na salubungin ang 2024.
"Setting up a common fireworks display zone can prevent or lessen fireworks-related injuries," ani MMDA acting chairperson Don Artes ngayong araw.
"Open spaces or common areas can be designated as fireworks display zones."
Kamakailan lang nang pag-usapan ng Metro Manila Council at Metro Manila mayors ang MMDA Resolution 22-22 Series of 2022, bagay na naghihikayat sa mga naturang LGU na magtalaga ng kanya-kanyang display zones alinsunod sa Republic Act 7183 o ang batas na nagreregula sa mga paputok.
Sinabi ito ng MMDA matapos udyukin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga 1,210 local government units na ipatupad ang kani-kanilang firecracker ban ordinances.
Matagal nang hinihikayat ng DOH ang publikong umiwas ang lahat sa paggamit ng paputok, at sa halip gumamit na lang ng mas ligtas na paingay.
Para magabayan ang mga consumer ngayong New Year kaugnay ng mga ligal at sertipikadong paputok, maaaring sumangguni ang publiko sa listahang ito na isinapubliko ng Department of Trade and Industry.
- Latest