DOH: Sugatan sa paputok, 12 na
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 12 ang bilang ng mga fireworks-related injuries (FWRI) sa bansa.
Batay sa FWRI Report #3 na inilabas ng DOH, nabatid na mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 23, hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 24, 2023, ay nakapagtala pa sila ng apat na bagong insidente ng pagkasugat dahil sa paputok, sanhi upang umakyat na sa 12 ang bilang nito mula sa dating walo lamang.
Dalawa sa bagong kaso ay mga batang lalaki na edad 11 at 17, na gumamit ng mga ilegal na paputok na piccolo at boga.
Ang dalawang iba pa ay isang 23-anyos na lalaki at isang 49-anyos na babae na gumamit ng kuwitis, na isang legal ngunit regulated na paputok, sa kanilang tahanan.
Ayon sa DOH, patunay ito na ang paggamit ng paputok sa tahanan ay delikado, hindi lamang sa mga bata, kundi maging sa matatanda.
Kaugnay nito, hinikayat ng DOH ang mga lokal na opisyal na magsagawa na lamang ng community fireworks display sa kanilang lugar upang maengganyo ang mga residente na panoorin na lamang ang mga ito, sa halip na gumamit pa ng paputok sa kani-kanilang tahanan.
“The Department of Health (DOH) asks our Mayors, Barangay Captains, and even private sector leaders to organize community fireworks displays instead,” anang DOH.
“Fireworks do give dazzling displays and loud sounds. These are better seen and heard not at home, but from a safe distance and in the company of healthy family and friends. Community fireworks displays can provide longer lasting, professional, and safer shows. People highly appreciate leaders who organize these,” anito pa. “Let us bring in a #BagongPilipinas where #BawatBuhayMahalaga and fireworks injuries are minimized.”
- Latest